top of page
Search
Writer's pictureRomilyn Balbieran

Nawala, Babalik Pa Ba?

Updated: Dec 14, 2020

Mahal Kita. ‘Yan ang aking akala.

Habang ang mga di ‘kanais-nais sa aking paligid

pinahihintulutan na maganap lamang,

hangga’t di ako ang gumagawa, mukha namang tama. (1)



Ika’y patuloy pa rin naman pinaglilingkuran,

abala pa rin sa mga bagay na sa aking tingin,

napupukaw ang Iyong damdamin.

Pero may nag-iba

Bakit di na Kita ganun kamahal kagaya ng una? (2)




Nandito pa rin akoーsa lugar kung saan may nagaganap na pagpupuri sa’Yo.

Pilit na tinataas ang mga kamay para ‘di mapansing kakaiba.

Pero alam ko sa aking sarili,

wala na ang init.

Ganito pala ang maging malahininga. (3)




Sinusubukan pa rin naman tumawa,

ginagawa ang lahat para sumaya.

Niloloko ang lahat kahit alam ko sa aking kalooban

ーanumang pagmamahal sa’Yo ay wala na, patay na. (4)




Hanggang sa ang pagiging malayo

ay pinanindigan ko na.

Kasinungalingan sa ibabaw ng isa pa.

Patong patong na.



Nakakatakas sandali.

Sa tuwing matatapos, pagod ay dama.

Para lang ako humahabol sa walang katapusan.

Para lang akong naglalakbay nang walang katuturan. (5)



“Bumalik ka lang”, sabi nila.


Paano? Nilalamon ako ng duda habang sa tindi ng kadiliman ay nasusuka.


Kailan? Panahon ay nasayang.

Sa tagal ay parang huli na.


Sinubukan ko naman.

Walang nangyari.

Hindi ko kaya. (6)



Di ko alam kung may kung makakabalik pa ba,

kung may babalikan pa ba.

Ako na ang hirap na hirap pero ayoko pa. (7)



Paano ako nawala nang ganun na lang?

Nag-umpisa sa pagkunsinti,

ngayon ang napahamak ay ako na.




Ang pagiging sigurado ko ay nasaan na?

Kapayapaan ng loob, mararanasan pa ba?



Hanggang alaala na lang ba

ang naisin na mahalin Ka bilang pasasalamat?

Bawat bahagi ng damdamin

at bawat detalye ng pangarap ay nagkalamat. (8)

Kaunti na lang ay guguho na ang lahat.



“Bumalik ka”, sabi Niya. (9)

“Mahal kita kahit sa panahong mahal mo’y iba.

Ang totoong may aruga ay ako lang. (10)

Lahat ng iba’y palaging kulang.



“Hindi ka man naging tapat.

Pero ako ang Diyos na sapat.

Naghihintay ang bagong umaga,

Mahal ko, halika na.”




Footnotes/Scripture Reference:

  1. Revelation 2:14, 20

  2. Revelation 2:4

  3. Revelation 3:15

  4. Revelation 3:1

  5. Hosea 12:1

  6. Romans 7:15

  7. Hosea 11:2

  8. Lamentations 3:13

  9. Hosea 14:1

  10. Hosea 14:8


16 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page